Tuesday, October 29, 2019

AMOS


AMOS


KALAGAYAN SA PANAHON NG PROPETA

Ito ay panahon ng monarkiya ng Israel at Juda. Si Propeta Amos ay nabuhay sa panahon ni Haring Uzias ng Judah (Timong Kaharian) at ni Haring Jeroboam II ng Israel (Hilagang Kaharian). Ang panahon na iyon matatag ang sandatahan at maunlad ang kabuhayan ng Israel at ng Juda. Sa ilalim ng pamumuno ni Jeroboam II, ang mga muog na tanggulan ay pinatatag at pinalawak at ang mga mayayaman ay nagpakasasa sa prosperidad ng bansa. Ang kaularan ay makikita sa mga kabahayan na mamahalin at primera klaseng mga bato ang ginamit. Ngunit sa kaibla ng pagiging matatag at maunlad ng Israel, simula sa hari at mga lider ay sumamba sa mga diyus-diyusan ng mga Cananeo gaya ng naunang hari na si Jeroboam I (2Mga Hari 14:24). Ang mga mayayaman naman, sa isang bahagi, ay naging palalo at naging mga sakim. Dahil sa kanilang kasakiman kanilang pinahihirapan ang mga mahihirap. Dahil dito laganap ang kawalan ng katarungan sa mga naaapi at mga mahihirap. Dumating na ang panahon para ipaalam sa Israel ang kanilang mga kasalanan. Ipinadala ng Diyos si Amos upang ipaalam ang darating na parusa dahil sa kanilang mga kasalanan. Ngunit dahil sa walang hanggang katapatan ng Diyos sa Kanyang tipan, ipapanumbalik muli Niya ang Israel.


LAYUNIN

  • Ipaalam na katulad ng mga kalapit bansa, ang Israel ay parurusahan ng Diyos dahil sa kanilang mga kasalanan kahit siya ay hinirang sa mga bansa.
  • Ilahad ang mga kasalanan naging basehan ng kasiguruhan ng parusang darating sa Israel.
  • Ihatid ang magandang balita na panunumbalik bilang bayan ng Diyos

BALANGKAS

1:1       PAGPAPAKILALA KAY AMOS AT PAGBIBIGAY NG KOMISYON

Si Amos ay mamamayan ng Timog Kaharian (Judah) sa Tekoa. Ang kanyang trabaho ay magparami ng mga tupa.

A. UNANG BAHAGI: Kabanata1:2-2:16    ANG HINDI BABAWIING PARUSA SA MGA BANSA AT SA JUDA AT ISRAEL

Katulad ng iba pang aklat ng mga propeta, ang paghahatol ng Diyos laban sa lahat ng bansa ay karaniwang nilalaman ng mga ito. Isa na ang propesiya na ibinigay kay Amos. Sa bahaging ito ipinasabi ng Diyos ng Israel na hahatulan ng Diyos ang mga bansa nakalista mula sa 1:3 hanggang 2:16. Mayroong pitong na bansang nakasulat na hahatulan ng Diyos. Ang unang anim ay ang mga bansang  ng hahatulan ng Diyos at ang ikapito ay ang dalawang kaharian ng Israel.

Ang pananalitang "Sa tatlong kasalanan at apat ay hindi Ko babawiin ang parusa" ay ang pagkakakilanlan ng aklat ng Amos pagdating sa paghahatol. Ang bilang na "tatlo" na may kinalaman sa kasalanan ay nagsasalarawan ng kasagaran ng kasalanan ng mga bansang nabanggit habang ang bilang na "apat" ay ang nagsasalarawan na labis labis na kasalanan. Inilahad sa bahaging ito ang mga kasalanan ng bawat bansa. Dahil dito sa pagsasalarawan ng kasalanan ng mga bansang ito, ang paghahatol ng Diyos laban sa kanila ay siguradong mararanasan kasama ang dalawang kaharian ng Israel.

Sa listahan ng mga bansa na siguradong parurusahan ng Diyos, mapapansin na nasa hulihan ng listahan ay ang hilagang kaharian ng Israel. Intensyon ng sumulat na ilagay sa huli ang Israel (hilagang kaharian) sapagkat ang propesiyang ito ay nakapokus sa Israel. Bukod inilagay sa huli ng sumulat ang Israel, ito ang may pinakamahabang listahan ng mga kasalanan sa lahat ng mga bansang nabanggit. Ang paglapastangan sa tunay na Diyos sa pamamagitan ng pagsamba sa mga diyus-diyosan at pang-aapi ng mga mahihirap ay ang kasalanan ng Israel (2:6-8). Dahil dito parurusahan ng Diyos ang Israel kahit pa gumawa ang Diyos sa kanila mula sa Ehipto hanggang Canaan (2:9-12). Walang makakatakas at makakapagligtas sa Israel mula sa parusa ng Diyos (2:13-16).


 B. IKALAWANG BAHAGI: Kabanata 3-6     ANG MENSAHE NG PAGHAHATOL LABAN SA ISRAEL

Sa mga kabanatang ito, inilahad ang dahilan kung bakit hindi babawiin ng Diyos ang parusa laban sa Israel. Ang una ay patungkol sa kasalanang ng Israel. Ano ang kasalanan ng Israel na nagpaningas sa galit ng Diyos?  Ang panawagan sa 5:24 na matuwid na pamumuhay at pagbibigay ng hustisya sa mga naaapi ay nagpapakita ng kasalanan na ito. Ang mga mayayaman sa Israel ay ginagamit ang kanilang kapangyarihan upang pahirapan ang mga mahihirap. Sila ay mas matindi pa sa pagpapahirap na ginawa ng mga taga Asdod at Ehipto . Ang mga bansang ito ay pinahirapan ang ibang bansa ngunit sila ay kapwa nila taga-Israel ang pinahihirapan at hindi binibigyan ng hustisya ang mga naapi(4:1-3; 5:10-12). Dahil dito ang kanilang pagsamba ay isang paimbabaw na pagsamba. Pagsamba na hindi katanggap-tanggap sa Diyos. Paano tatanggapin ng Diyos ang kanilang pagsamba, paghahandog, pagdirawang ng mga pista, at mga awitan (4:1-3; 5:26) kung hindi nila sinusunod ang utos ng Diyos na maging matuwid at magbigay ng hustisya para sa mga mahihirap. Alalahanin na nagbigay ang Diyos ng batas para sa mga mahihirap at mga api (Deut

Pangalawa, nais ng Diyos na talikuran ang kanilang mga kasalanan. Maliban na magbigay ng babala ang Diyos, hindi Niya parurusahan ang Kanyang bayan (3:2-8). Dalawang paraan ang ginawa ng Diyos upang himukin sila na tumalikod sa kanilang mga gawa. Ang una ay ang negatibong pamamaraan  upang malaman nila na sila ay nagkakasala at tumalikod sa kasalanang kanilang ginagawa. Nagpadala ang Diyos ng tag-tutom, tag-tuyot, mga peste sa kanilang mga pananim, mga salot gaya ng pamamaraan na ginawa sa Ehipto, at pagwasak gaya ng Sodoma (4:6-11). Sa kabila nito ay hindi tumalikod  ang mga taga-Israel (4:11b). Ang pangalawa pamamaraan upang himukin silang sa pagtalikod ay ang paanyaya na hanapin ang Diyos at ang paggawa ng kabutihan upang mabuhay (5:4,6,14) ngunit hindi pa rin sila tumalikod sa likong pamumuhay at kawalan ng hustisya para sa mga naaapi.

Dahil dito ang banta ng pagkawasak sa Israel ay hindi na babawin ng Diyos. Ang katagang "Maghanda na sila para humarap sa Diyos" (4:12) ay katagang pagbabanta dahil sa hindi nila pagtalikod sa kanilang kasalanan. Ang bantang pagkawasak ay inihayag din sa pamamagitan ng pagpapakilala ng Diyos bilang Panginoong Diyos ng Hukbo (4:13; 5:14, 27; 6:8, 14). Hindi na babawiin ng Diyos ang parusang daranasin ng hilagang kaharian (Israel) kahit pa ito ay Kanyang hinirang mula sa mga bansa. Sila ay ibabagsak ng Diyos at walang tutulong sa kanilang pagkawasak at lahat ng mayroon sila ay aalisin sa kanila (5:1-3; 6;8). Wawasakin ng Diyos ang Bethel, ang lugar kung saan ang paimbabaw na pagsamba ay ginaganap (3:14; 4:4-5; 5:6-7) at ang mga pagmamay-ari ng mga mayayamang namumuhay ng laksang pamumuhay (3:15). Kahit pa ang kanilang matibay na moog ay wawasakin ng Diyos (5:9) maging sa kanilang pakikidigma sila ay magiging talunan (5:3). Paano ito gagawin ng Diyos ang parusang ito. Ang parusa laban sa hindi pagtalikod sa kanilang kasalanan ay sa pamamagitan ng isang malakas at masamang bansa. Gagamitin ng Diyos ang Emperyo ng Asirya para wasakin ang Israel at ipatapon sa lugar ng Damasco sa Sirya ang mga mamayan ng Israel (5:27).

Ang panahon ng pagwasak sa Israel ay tinatawag na Ang Araw ng Panginoon (5:19-20). Ito ay araw ng kadiliman para sa Israel. Ang mga larawan ng walang kawala sa parusa sa Araw ng Panginoon ang mga Israel. Sa ikaanim na kabanata inihahayag ang kasiguraduhan ng kaparusahan laban sa mga hangal, mayayaman, at nang-aapi ng mga mahihina at mahihirap. Ang panunumpa ng Diyos sa Kanyang sarili (6:8) ay naghahayag na sigurado na ang parusa laban sa pagiging arogante ng Israel. Isinasalarawan dito ang kawalan ng halaga ng mga bagay na kanilang tinayo gaya ng pinagmamalaki nilang mga moog, mararangyang mga kabahayan, at iba pa. Ang lahat ng mga ito ay wawasakin ng Diyos. Matatapos ang masasayang araw ng mga mayayaman sapagkat sila ay itatapon bilang mga bihag. Ang pagkawasak at pagkakabihag ng Israel ay natupad noong 722B.C. sa ilalim ng Imperyong Asirya.

C. IKATLONG BAHAGI: Kabanata 7-9:10    ANG MGA PANGITAIN

Ang planong parusa laban sa Israel ay inihayag sa mga pangitain ni Amos sa tatlong huling kabanata. Sa unang kabanata mayroong tatlong pangitain: ang pagdating ng mga balang; ang pagpapadala ng apoy; at ang hulog (panukat).

Ang unang dalawang pangitain ay magkaugnay. Ito ay pamamaraan ng Diyos para parusahan ang Israel. Ang taggutom na sinisimbolo ng pagdating mga balang at ang apoy ng pagwasak ng ng mga Israel ang gagamitin ng Diyos (7:1, 4). Ngunit ang mga ito ay hindi gagamitin ng Diyos bilang parusa. Ang panalangin ni Amos na ihinto ang mga ito ay nagpabago sa isip ng Diyos upang hindi gamitin ang mga ito bilang parusa (7:2-3, 5-6). Ngunit ano nga ba ang gagamitin ng Diyos na parusa para sa Israel? Ang ikatlong pangitain na "hulog" ay nangangahulugan na hahatulan ng Diyos ang Israel ayon sa Kanyang panukat. Ang panalangin ni Amos ay hindi nangangahulugan na hindi na parurusahan ang Israel, kundi sinasabi ng Diyos na hindi sa pamamagitan ng mga balang at apoy parurusahan ang Israel kundi sa pamamagitan ng espada (7:9).

Dahil sa propesiya na si mamatay si Jeroboam II (hari ng Israel) sa pamamagitan ng espada, itong si Amazias na galit kay Amos dahil sa propesiya laban sa Israel. Nais ni Amazias na siya ay tumigil at bumalik  ng Juda at doon magpropesiya. Ngunit ipinagpatuloy ni Amos ang pagpopropesiya laban sa Israel. Ang kabuuan ng propesiya laban sa Israel ay inilatag sa 7:16-17. Ang Israel ay magiging bihag at itatapon sa ibang lugar (7:17).

Ang ikawlawang pangitain ay ang mga prutas sa basket (8:1). Ito ay nagsasalarawan sa parusa laban sa Israel (8:2). Sa Araw ng Panginoon magwawakas ang kasiyahan, selebrashon at mga paimbabaw na pagsamba. Isinalarawan sa propesiya ang mangyayari sa araw na iyon na puno ng kalungkutan at pagdadalamhati. Ang mga araw sa panahon na iyon ay mapait (8:5-6, 8-12). Ito ay siguradong magaganap na ipinapakita ng panata ng Diyos na hindi Niya kakalimuta ang alinmang gawa ng Israel (8:7). Inilahad din dito ang taggutomhindi sa pagkain kundi sa salita ng Diyos. Ito ang panahon na kahit hanapin nila ang Salita ng Diyos ay di nila matatagpuan (8:11-14). Walang propetang ipapadala ang Diyos para sa kanila. Ito ay parusa laban sa hindi nila pagtalima sa sinasabi ng mga propeta. Kahit pa nais nilang tumawag sa Diyos ay walang tugon ang Diyo sapagkat hindi nila pinakinggan ang Diyos. Dahil sa kawalan ng Salita ng Diyos, ang bansang Israel ay babagsak at hindi mkakabangon muli (8:14).

Ang ikatlong pangitain ay ang Panginoon na nakatayo sa tabi ng altar (9:1). Inihayag ng Panginoon ang kasiguruhan ng parusang mararanasan ng Israel dahil sa kanyang kasalanan (9:8a). Ang parusa laban sa Israel ay pagwasak sa kanila. Ngunit hindi sila wawasakin ng buo. (9:8b) ngunit ang mga naniniwalang hindi sila parurusahan ng Diyos ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak.

C. IKAAPAT NA BAHAGI: Kabanata 9:11-15    ANG PANGAKONG PAGBANGON NG ISRAEL

Sa kabila ng kasiguraduhang parusa ng Diyos laban sa Israel, mayroong pag-asa na ibabangon muli ng Diyos ang bansang Israel. Ang pagbangon ng Diyos sa Israel ay katuparan ng pakikipagtipan kay Abraham kung saan ang Israel ay magiging pagpapala sa mga bansa (9:11-12). Isinlarawan sa 9:13-15 ang pangakong panunumbalik ng Israel bilang bayan ng Diyos.